Header Ads Widget

Halos 100 kaso ng covid-19 sa Kamara inaalam na (Late reporting binira ng QC-CESU)

SINITA ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives sa late reporting sa kanilang CoVid cases na maaaring naging dahilan ng biglang paglobo ng kaso na umabot na sa mahigit 40 kaso.

Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz, nasa 40 ang confirmed cases na kanilang naitala sa Mababang Kapulungan ngunit kanilang bineberipika ang report na nasa 96 ang kabuuang bilang ng mga positive cases sa Kamara sa nakalipas na 10 araw. Kung ganito umano ay maraming kaso ang hindi naire-report sa kanila at hindi agad nagagawan ng contact tracing.

Ipinaliwanag ni Cruz na kahit pa man asymptomatic ang pasyente basta nakompirma itong positive sa test ay dapat ipagbigay alam agad sa kinauukulan.

“Dapat kasi everytime na may new case dapat ay inire-report agad sa LGU para sa contact tracing,” paliwanag ni Cruz.

Ngunit sa kaso ng Kamara, kinailangan pa nilang hingan ng report.

Nang hingan ng reaksiyon sa lapses ng Kamara, sinabi ni House Secretary-General Dong Mendoza na anakipag-ugnayan na sila sa QC-CESU, tumanggi din siyang kompirmahin na tumaas ang kaso ng CoVid cases sa Mababang Kapulungan bagamat nagsasagawa na umano ngayon ng mass testing sa mga mambabatas, kawani at maging sa mga bumibisita sa tanggapan.

“We already spoke with the QC government with regards to this matter we will release the results to DOH and CESU once the lab results are available already,” paliwanag ni Mendoza.

Hindi tinukoy ni Mendoza kung rapid test o swab test ang kanilang gagawin ngunit para sa mga kawani ay mainam na swab test ang isagawa upang mas ‘mapagkakatiwalaan’ ang maging resulta.

Una nang inalarma ng QC-CESU ang Kamara matapos makatanggap ng mahigit 40 kaso ng CoVid na ang inilagay kung saan nila nakuha ang virus ay sa lugar na pinagtatrabahuhan sa Mababang Kapulungan.

Nabatid na ang tinamaan ng CoVid ay pawang naninirahan sa mga kalapit na barangay sa Batasan Complex.

Sinabi ni Cruz, pagbabatayan nila ang CoVid cases report na isusumite ng Kamara sa kanilang gagawing imbestigasyon pangunahin dito kung bakit nagkaroon ng hawahan, at kung may pagtaas ng kaso na maaaring pumasok sa kategorya ng outbreak at posibleng maging dahilan para pansamantalang ipasara ang tanggapan.

Ukol sa posibleng paglabag ng Kamara, sinabi ng QC-CESU na ang kanilang gagawing imbestigasyon ay isusumite nila sa Department of Health (DOH).

Samantala kinastigo ni dating Ang Nars Partylist Rep. Leah Paquiz ang House leaders na sina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol, pero patuloy na pumapasok sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa CoVid positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.

Sinabi ni Romero, negatibo sila sa test matapos ma-exposed kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14-day quarantine dahil nakitang dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang CoVid patient kahit nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

“Dapat po sumunod sa protocol. Respect the authority, paano susunod ang mamamayan kung hindi sumusunod ang leaders , dapat maging role model sila,” pagkastigo ni Paquiz.

Samantala, mismong mga empleyado ng Kamara ang nagsabing hindi sagot ang gagawing CoVid testing para maresolba ang tumataas na kaso sa tanggapan.

Anila, dapat munang sumunod sa quarantine protocol mismo ang mga lider na may exposure sa virus.

“May exposure sila sa CoVid positive pero dumadalo sila sa iba’t ibang hearing, importante ang hearing pero mas importante ang aming kalusugan sa lahat,” pangamba ng isang empleyado.

Umapela ang mga kawani ng full transparency sa CoVid cases sa Kamara at sino-sino ang may exposure sa COVID positive patients para sa proteksiyon ng lahat.

Post a Comment

0 Comments