ILEGAL ang online sabong.
‘Yan mismo ang kompismasyon kahapon ng Palasyo sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang virtual press briefing sa mga kasapi ng Malacañang press at Davao media.
Ang tanong ng aming news reporter na si Ms. Rose Novenario: “Ang online sabong ba ay legal at pinapayagan na? Kung ilegal pa po, bakit namamayagpag na at hindi mapatigil ng mga awtoridad?”
Ang tugon ni Spox Roque: “Hindi po legal ang online sabong. Ang huling balita ko po, si Chairman Andrea Domingo, humingi na po ng tulong sa NBI para nga po maipasara itong mga nagpapatakbo ng online sabong.”
Hayan po, klaro ang pahayag ng palasyo — “Ilegal ang online sabong!”
Pero ang nakapagtataka nga, kahit deklarado itong ilegal bakit namamayagpag sa Metro Manila, sa southern, central at northern Luzon?!
Bakit hinahayaan ng mga awtoridad ang operation ng online sabong kung ilegal ito?!
Sabi nga ni Spox Harry, nagsumbong na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa National Bureau on Investigation (NBI) dahil nga sa pamamayagpag ng online sabong.
Kumusta naman kaya ang NBI?! May naimbestigahan na ba kayo?
Mukhang tong-a, tong-a lang ang operations ng mga awtoridad at ilang law enforcers agency laban sa online sabong?!
Alam kaya ng mga awtoridad na nagtataingang-kawali pabor sa operasyon ng online sabong na maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nabibiktima ng sugal na ito?
E bakit hindi kung ‘online’ nga. Parang Philippine offshores gaming operations (POGO) lang ‘yan na kahit nasaan ang mga OFW puwede silang mag-online sabong.
Mabilis lang magbayad ng taya sa PayPal, GCash, o PayMaya. Ganyan kabilis ang operation ng online sabong. Kung lusot sa mga Pinoy na nasa ibang bansa ‘e di lalo na rito mismo sa Filipinas.
Hello? Natutulog ba ang cyber crime units ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at NBI?!
Aba gumising na kayo’t kayang-kaya kayong paikutin ng isang alyas Mr. Tong A.
Ang sabi, kaya hindi n’yo ‘binabanga’ si alyas Togn A., e dahil ‘tongpats’ kayo?!
Kaya nga ngingisi-ngisi lang si alyas Mr. Tong A., kapag napag-uusapan ang ‘online sabong.’
‘Yung ngising para bang sinasabi ni alyas Tong A. na: “Sige nga patunayan ninyong ako ang operator ng online sabong?”
Naku, alyas Tong A., alam naman ng lahat na ikaw lang ang puwedeng gumawa niyan lalo’t ‘rubbing elbows ka ‘with some people of opulence and influence’ kaya hindi na nakapagtataka kung walang bumabangga sa iyo.
Ngayong si P/MGen. Debold Sinas na ang chief ng Philippine National Police (PNP), makapamayagpag pa kaya ang online sabong ni alyas Tong A?!
‘Yan ang aabangan natin!
0 Comments