HINDI nagustohan ng supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte na Die Hard Duterte Supporters (DDS) ang naging pagkampi at pagtatanggol ni House Speaker Lord Allan Velasco sa red-tagging sa Makabayan Bloc na malinaw umanong pagbalewala sa Pangulo at pagmamaliit sa kakayahan ng military sa pangangalap ng impormasyon laban sa CPP-NPA.
Sa YouTube Channel na Banat Balita ng DDS sinabi sa ginawang pagtatatanggol ni Velasco sa Makabayan Bloc ay ipinakikita nitong wala syang nalalaman sa isyu ng CPP-NPA.
“Kung talagang kay Pangulong Duterte ka sumunod ka sa kumpas ni Pangulong Duterte hindi naman sila mag- aakusa nang walang ebidensiya, sinasabi mong careless accusations si Gen Parlade, hindi sila careless, puno ng ebidensiya, hindi ka nanonood, wala kang internet? Sanay ka naman gumamit ng cellphone bakit hindi mo tinitingnan. ‘Yung Makabayan Bloc meron ebidensiya ang ating pamahalaan kaya ‘wag ibahin ang usapan itigil ang pagtatanggol d’yan,” ayon sa DDS.
Matatandaan na una nang nagpasalamat sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kay Velasco sa pagtatanggol sa kanila sa red-tagging ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflct (NTF-ELCAC) Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, ayon sa Makabayan Bloc, naramdaman nilang protektado sila sa ginawa ni Velasco.
“Lubos naming pinasasalamatan si Speaker Velasco. ‘Yung ginagawa niyang pagtatanggol sa kanyang kasamahan lalo na’t siya ay Speaker, ngayon lang ako nakarinig ng Speaker na ganito,” naunang pahayag ni Castro.
Sa ipinalabas na statement ni Velasco sinabi niyang apektado siya sa ginagawang red-tagging ni Parlade sa House members.
“As Speaker of the House, I am duty bound to protect them from potential harm due to these careless accusations,” pahayag ni Velasco at sinabihan si Parlade na maging maingat sa kanyang pananalita laban sa House members.
“We may not agree with them on certain issues but be mindful that these lawmakers are duly elected representatives of the people, and implicating them on issues that have yet to be substantiated is uncalled for,” babala ni Velasco.
Sinabi ng supporters ni Duterte na dalawa lamang ang nakikita nilang dahilan ng pagkampi ni Velasco sa Makabayan Bloc, una ay natatakot siyang banggain ang CPP-NPA dahil mayroong mga NPA sa distrito nito sa Marinduque o mapapakinabangan niya sa 2022 elections.
Hamon ng DDS kay Velasco na patunayan kung talagang malapit siya kina Pangulong Duterte at Sara Duterte.
“Sinasabi niya na close siya kay Pangulong Duterte at Mayor Sarah pero hindi niya (Velasco) alam na ang mga Duterte mismo ang nagsabi na may kaugnayan ang Makabayan Bloc sa CPP-NPA.
Matatandaan sa kontrobersiyal na Instagram post noong 8 Oktubre 2018 ni Mayor Sarah, tinawag niyang milking cow ng mga terorista ang partylist system tinawag na ‘terrorists & liars’ ang Makabayan Bloc na dapat ay matangggal sa Kamara.
Noong 2016 sa kanyang talumpati sa 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboaga del Sur, una na ring sinabi ni Pangulong Duterte na ilang partylist sa Kamara ay may kaugnayan sa CPP at nagpopondo sa armed wing nitong New People’s Army (NPA).
Aminado ang DDS na desmayado sila sa pagiging Speaker ni Velasco. Anila, hindi maituturing na magaling na Speaker kung iba ang sinasabi nito sa kung ano ang posisyon ng administrasyon sa mga isyu.
0 Comments