Header Ads Widget

Tara ng vendors sa Plaza Miranda, 30K araw-araw?

YANIG
ni Bong Ramos

UMAABOT daw sa 30k araw-araw ang kinokolektang tara sa mga vendor na nasasakupan ng Plaza Miranda police detachment sa Quiapo, Maynila.

May karapatan ngang mag-iyakan o kaya’y humagulgol ang mga vendor na sinisingil umano ng mga pulis sa nasabing detachment.

Ayon sa ilang inpormante, pinakamababa raw ang P200 tara na hinihingi sa bawat vendor. Komporme pa kung karton, payong na may stand o bilao ang pinag-lalagyan ng kani-kanilang kalakal.

Payat at kayang-kaya nga naman ang 30k na koleksiyon kada araw dahil sa rami ng vendor na nasasakupan ng police detachment. Ang singilan ay ibinabase pa rin sa laki ng espasyong iyong inookupa.

Napag-alaman din natin na ang nasabing detachment ang pinaka-juicy post kung ikokompara sa iba na ang ibig sabihin ay marami at uso rito sa lugar na ito ang pera.

Sinasabi rin ng mga vendor na masyado raw pet-malu ang bagong upong detachment commander lalo na ang itinalaga niyang enkargado o bagman na umano’y Uncle niyang buo.

Ang commander ay kinilala nilang Major, samantala ang ‘tiyuhin’ niyang bagman ay pinangalanan nilang isang ‘Boy Recto’ na antigo na raw at kapado ang AOR.

Halos isang buwan mahigit pa lang daw nakaupo ang tandem ng mag-uncle pero labis na nilang nararamdaman at sobra nang iniinda ang lupit lalo na pagdating sa koleksiyon ng tara.

Ginagamit din umano ni Recto ang kapwa nila vendor na si Igon Tomboy bilang all-around collector upang di-malantad masyado ang kanyang mukha, wala nga naman siyang exposure.

Wala sa bokabularyo ng magtiyuhin ang salitang unawa at konsiderasyon na anila’y madalas nilang pagtalunan. Ang ganitong situwasyon daw ay umaabot sa mainit na argumento na minsa’y humahantong sa murahan at batuhan.

Hindi ka lalagpas at lalong ‘di makalulusot kada araw sa bayaran ng tara dahil mortal sin ang ‘pass’ at lumiban sa bayaran. Puwede naman daw hindi magbayad pero asahan mong ipakokumpiska sa mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS) ang iyong paninda.

Sana raw, kung kalakal lang ang kokompiskahin, e ang mabigat dito pati ang iyong karton, paying, at bilao na ginagamit sa hanapbuhay ay kukunin din. Obligadong tubusin.

Hindi lang daw siguro 30K isang araw ang kinikita ng magtiyuhin dahil hindi pa nakadeklara ang miscellanous or for short ay and others. Tsk tsk tsk, have mercy naman daw.

Sinabi ng mga vendor, sa Plaza Miranda raw sila tumanda at naging tao ngunit ibang klase raw talaga ang palakad ng ‘mag-Uncle’ lalong-lalo na pagdating sa tara, pet-malu talaga.

Ipinapalagay ng marami, iisa lang ang battlecry at prinsipyong pinaniniwalaan — “pera-pera lang, puwera damdamin.”

Ilan beses na nating hinanap at ipinagtanong ang dalawa upang hingin ang kanilang panig hingil sa akusasyon sa kanila ngunit bukod sa mahirap hanapin ay mahirap pa rin matagpuan o baka naman talagang intensiyon nila ang makipag eat bulaga?!

Post a Comment

0 Comments