Header Ads Widget

Presidential interviews, malayo sa sikmura ng batayang masa

WALANG isyung naka­dikit sa sikmura ng batayang masa na itina­nong sa Jessica Soho presidential interview kamakalawa ng gabi.

Ilang political observers ang desma­yado dahil hindi nata­nong sa apat na nanga­ngarap maluklok sa Malacañang ang kani­lang paninindigan hinggil sa isyu ng wage hike, presyo ng bilihin, singil sa koryente, tubig at telekomunikasyon, agrikultura, kalagayan ng health workers, hina­ing ng sektor ng trans­por­tasyon at agrikultu­ra, walang humpay na oil price hike, at ano ang plano nila tungo sa pagwawakas ng CoVid-19 pandemic.

“Kung ano ang plano ng presidentiables sa mga isyu na malapit sa sikmura ng masa ang gustong marinig ng mga botante. Diyan umiinog ang buhay nila sa araw-araw kaya mas interesado silang malaman ang plano ng mga aplikanteng ma­ging susunod na pangulo ng Filipinas hanggang 2028,” sabi ng isang political observer.

Kabilang sa mga usapin na tinalakay sa The Jessica Soho Presidential Interviews na nagkaisa sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno,  senators Manny Pacquiao at Panfilo Lacson ay dapat isa­publiko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at medical records ng Pangulo ng bansa.

Aprub din ang apat na presidentiables sa isyu ng  joint exploration sa West Philippine Sea (WPS), muling pagsali ng Filipinas sa International Criminal Court (ICC) at pagpapatuloy ng Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang Amerika.

Bagama’t kahanga-hanga ang paraan ng pagtatanong ni Soho ay napuna ng political observers na tila naga­mit ng ilang presidentiables ang pana­yam upang ipagtanggol ang sarili o maghugas-kamay sa mga isyung kinasang­kutan lalo na’t walang ipinukol na follow-up questions sa kanila.

Mas may tsansa pang matalakay ang mga isyung malapit sa puso ng ordinaryong mamamayan sa susunod na paghaharap ng presidentiables sa itatakdang debate ng Commission on Elections (Comelec) bago idaos ang halalan sa 9 Mayo 2022.

(ROSE NOVENARIO)

Post a Comment

0 Comments