Header Ads Widget

Pera ng teachers, nawala rinPALACE OFFICIAL P.2-M NASIMOT SA GOV’T BANK

ni Rose Novenario

TALIWAS sa slogan ng Land Bank of the Philippines (LBP) na “We help you grow,” konsumisyon ang lumago sa ilang depositors na nabiktima ng hacking sa bankong pag-aari ng gobyerno.

Isa sa mga biktima, isang Palace official, ay nasimot ang idinepositong payroll at savings account.

Nabatid kay Virgina Arcilla-Agtay, director ng News and Information Bureau (NIB) isang attached agency ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), mahigit dalawang buwan na ang nakararaan mula nang mawala ang P187,100 mula sa kanyang LBP payroll at savings account bunsod ng hacking.

Ngunit hanggang ngayon, wala pang resulta ang isinasagawa umanong imbestigasyon ng banko maging ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Base sa atrasadong notipikasyon, ipinabatid kay Arcilla-Agtay na ang P137,000 mula sa kanyang savings account ay inilipat sa apat na ibang savings account sa LBP.

Habang ang P50,000 ay sa isang GCash account ng isang nagngangalang Anna.

Napag-alaman, naganap ang pagkawala ng pera ni Arcilla-Agtay noong 19 Nobyembre 2021 o apat na araw mula nang pumasok sa kanyang savings account ang Christmas bonus ngunit ilegal na nailipat sa ibang savings account sa LBP at GCash sa loob lamang ng siyam na minuto o mula 6:15 pm hanggang 6:23 pm.

 Nagulat na lamang si Arcilla-Agtay nang makatanggap ng tatlong magkakasunod na e-mail mula sa LBP hinggil sa naturang mga transaksiyon.

Agad umano siyang tumawag sa LBP customer service hotline ngunit matapos niyang ipabatid ang reklamo hinggil sa illegal fund transfer ay may dalawang magkasunod pang paglipat ng kanyang pera sa ibang account.

Ang labis aniyang nakapagtataka ay nangyari ito kahit wala siyang natanggap na one time password (OTP) para sa mga naturang transaksiyon.

Kaugnay  nito, isiniwalat din ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na nakatanggap sila ng mga ulat mula noong nakaraang linggo sa mga guro na nabiktima rin ng hacking ang LBP payroll accounts.

“The Teachers’ Dignity Coalition (TDC) since last week has been receiving reports from their members who lost varying amount of money after the funds where transfer from their Landbank payroll account to other bank or GCash accounts,” anang TDC sa isang kalatas.

Umabot anila ang halagang ninakaw sa bawat biktima mula P26,000 hanggang P121,000 na bahagi ng kanilang suweldo, holiday bonus, at savings.

HIniling ni TDC Chairman Benjo Basas ang tulong ng Department of Education (DepEd) at pormal na isusumite ang mga detalye ng mga guro na nabiktima ng posibleng scam.

Nanawagan si Basas sa mga guro sa mga pampublikong paaralan na nabiktima ng scam na iulat ito sa mga awtoridad o makipag-ugnayan sa TDC para sa karampatang hakbang.

Nakahanda aniya ang mga guro na makipag-ugnayan sa DepEd upang maresolba ang suliranin.

“Nagtitiwala kami sa Landbank na secured ang bawat account ng mga guro at empleyado, kahit pa sa online banking system nila, pero bakit may mga ganitong pangyayari? Hindi po ito biro kasi malaking halaga na para sa aming mga guro ang isang buwang sahod o ang aming bonus, lalong masakit kung ang pinag-ipunan mong pera nang matagal na panahon ay mawawala nang ganoon na lang.

“May pananagutan ang Landbank sa mga insidenteng ito at nais naming tulungan kami ng DepEd upang mabawi ang perang nawala mula sa aming kasamahan,” pahayag ni Basas.

Post a Comment

0 Comments