SA KABILA ng mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran ng Bulacan PNP upang mapigil ang pagtaas ng bilang ng kaso ng CoVid-19, nadakip ng mga awtoridad ang mga indibiduwal na patuloy na lumalabag sa mga batas sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Paombong Municipal Police Station (MPS), arestado ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga na kinilalang sina Asalan Madaya, alyas Datu, at Bella Sumpigan, kapwa residente sa Quiapo, Maynila; at Charles Pineda, alyas Oma, ng Brgy. Abulalas, Hagonoy, kung saan nakompiska ang 10 pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Gayondin, nadakip ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Meycauyan CPS ang mga suspek na kinilalang sina Ronald Ababa, alyas Dagul, at isang
17-anyos menor de edad, mga residente ng Brgy. Caingin, Meycauayan, dahil sa pag-iingat ng dalawang pakete ng tuyong dahon ng marijuana.
Nasakote ang kabuuang 41 indibiduwal sa inilatag na anti-illegal gambling operations ng mga tauhan ng pulisya sa Angat, Bocaue, Bulakan, Pulilan, at San Jose del Monte.
Nabatid na naaktohan ang 35 suspek sa tupada habang nasukol ang anim sa sugal na tong-its at nakompiskahan ng mga manok na panabong, tari, baraha at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Nasukol din ang dalawang pugante sa magkahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng Meycauayan CPS, mga elemento ng San Jose del Monte CPS, 1st & 2nd PMFC, 301st RMFB3, 24th Special Action Company (SAF), PHPT Bulacan, at 3rd SOU Maritime Group.
Kinilala ang dalawang pugante na sina Philip Macatulad, 1st Qtr Most Wanted Person ng Meycauayan CPS, residente sa Brgy. Langka, Meycauayan; at isang residente sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte sa kasong Theft.
Pahayag ni P/Col. Rommel Ochave, acting Bulacan police director, nananatili ang pulisya sa walang tigil na pagkilos upang mapigil ang lahat ng uri ng ilegal na gawain sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
0 Comments