BUKOD sa banta sa seguridad ng pagkontrol ng Chinese government sa Dito Telecommunity, kinuwestiyon din sa isang pag-aaral sa bagong telecoms operator sa Filipinas ang kakayahan ng kompanya na lumikom ng sapat na kapital para pondohan ang venture.
Ang report, na tinawag na “A Study Into The Proposed New Telecommunications Operator In The Philippines: Critical Success Factors and Likely Risks,” ay inilathala ng CreatorTech — isang Asia-Pacific consulting firm at industry specialist na nagkakaloob ng research at telecoms at IT advisory services sa public at private sector organizations sa buong rehiyon.
Binanghay ng awtor ng report na si Steve Mackay ang ilang isyu na may kaugnayan sa bagong telco, kabilang ang cybersecurity issues, financial risks at kawalan ng insentibo para saklawin ang remote areas ng bansa.
Tinukoy sa report ng CreatorTech na panganib ang kawalan ng kakayahan ng Dito na makalikom ng kapital para pondohan ang venture. Upang matugunan ang commitments nito na US$3bn spending sa unang taon, ang Dito ay mangangailangan ng karagdagang US$2.5bn bukod sa US$500 milyon na hinugot mula sa Bank of China credit facility nito.
“Given the current Balance Sheet, this US$2.5bn would not come from equity. The only other source is debt. The sole lender is the Bank of China. Commercially, it is unlikely that the Bank of China on its own would extend the total amount,” sabi ni Mackay. “Funding would therefore appear to be a risk for Dito, and funding from China is seen as being extended for political reasons,” nakasaad sa report.
Ang findings ay sa gitna ng pagkabahala ng mga analyst sa hakbang ng Dito CME Holdings Corporation para sa controlling stake sa Dito Telecommunity sa pamamagitan ng mga layer ng mga kompanya.
Sinuspinde ng Philippine Stock Exchange (PSE) ang trading ng Dito CME makaraang isiwalat ng kompanya na nagsagawa ito ng buyout sa affiliate Udenna Communications Media and Entertainment Holdings Corp. (Udenna CME) noong nakaraang 11 Nobyembre sa pamamagitan ng P68.4-billion share swap sa holding company ni Dennis Uy, ang Udenna Corp.
Ayon sa PSE, “iiral ang suspensiyon hanggang hindi nailalabas ang ‘full at comprehensive disclosure.”
Ang mga stock market observer ay napaulat na nababahala sa nagpapatuloy na reorganisasyon dahil ang mga investor ay binibigyan ng mga paunti-unting detalye.
Tinawag ng ilang stock brokers ang PSE trading suspension ng Dito CME na isang ‘welcome move’ dahil maraming impormasyon ang kinakailangan sa “backdoor listing” ng Udenna CME.
“They should submit the financials of Udenna CME so that the public knows what they are acquiring,” ayon sa isang broker patungkol sa mga detalye tulad ng valuation report para bigyang katuwiran ang multibillion peso share swap.
Ang Chelsea Logistics ni Uy ay nag-ulat din ng net loss na P2.60 billion sa unang siyam na buwan ng 2020 dahil sa limitadong operasyon sa lahat ng business segments nito. Kabaligtaran ito ng P20 million net income na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
0 Comments