Header Ads Widget

P20-M shabu nasabat sa miyembro ng ‘Tinga Drug Syndicate’ (Taguig LGU pinuri at nagpasalamat sa pulisya)

PINAPURIHAN ng Taguig City government nitong Huwebes ang Taguig Police matapos ang matagumpay na pag-aresto sa miyembro ng tinaguriang Tinga Drug syndicate sa isang buy bust operation na nasamsam ang mahigit P20 milyong halaga ng shabu.

Bukod sa kilalang miyembro ng sindikato, nahuli rin ang ibang kasabwat sa pagtutulak ng droga sa isinagawang police operations nitong Miyerkoles sa Mariano St., Barangay Ususan dakong 5:30 pm.

Sa police report, kinilala ang mga arestado na sina Patrick Ace Tinga, 24 anyos; at siyam na mga kasahaman nitong sina Jovy Cruz, 30; Elmer Bautista, 34; Wenston Ray Lopez, 20; Jessie Aviles, 24; Jomari Lopez, 19; Chris Klein Lopena, 19; Adrian dela Cruz, 22; John Paul Esteban, 26; at John Christian Roxas, 34.

Dalawang menor de edad ang nasagip sa ginawang operasyon.

Nasabat ang mahigit tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400,000; aabot sa 41.7 gramo ng marijuana na may halagang P50,040; tatlong digital weighing scale; dalawang keypad cellphone; isang eco bag; P8,000 iba’t ibang currency mula sa ibang bansa; at dalawang P200 bills na mayroong dusting powder mula sa Southern Police District Crime Lab.

Nasabat din ng pulisya ang isang blue book ng kanilang mga kliyente sa bentahan ng droga.

Ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano, ang pag-aresto at pagkompiska sa ilegal na droga ay pruweba na ang lungsod ng Taguig ay seryoso sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at hindi hadlang ang pandemyang CoVid-19 sa labang ito.

“Nais namin na ang bawat Taguigeño ay ligtas. Ibig sabihin nito ay gagawin namin ang kinakailangan, sa saklaw ng batas, upang protektahan ang sambayanan hindi lamang sa CoVid-19 kundi maging sa ilegal na droga at sa sindikato sa likod ng pagkalat nito,” wika ni Mayor Lino.

Saad ng alkalde, ang lokal na pamahalaan ng Taguig ay patuloy na sumusuporta sa puwersa ng pulisya sa kanilang mandato na ipatupad ang batas at arestohin ang mga lumalabag at yumuyurak dito.

Dagdag ni Mayor Lino, ang mga inisyatibo ng lungsod ay patunay na walang puwang ang mga kriminal sa Taguig. “Kami ay mga residente na mapag-mahal sa katahimikan at galit sa kriminalidad. Sino man ang magtatangka na guluhin at labagin ang aming katahimikan ay hindi welcome rito,” wika ng mayor.

Agresibo at epektibo aniya ang mga kampanya ng Taguig kontra ilegal na droga kaya walang sinisino basta positibo sa ganitong sindikato ay dapat masawata.

Magugunitang noong 2016, isa sa miyembro ng Tinga drug syndicate na si Joel Tinga ay nasentensiyahan ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilango dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Isa pang miyembro ng sindikato, si Elisa “Ely” Tinga, asawa ni Noel Tinga at pinsan ni dating Taguig Mayor Freddie Tinga, ay nahatulan din ng parehong parusa noong Pebrero 2017.

Si Elisa ay tinaguriang third most wanted person sa listahan ng illegal drug personalities. Siya ang pang-pito sa Tinga Drug syndicate member na nahuli at nakulong.

Ipinapatupad din ng Taguig government ang one-strike policy laban sa mga business establishment na pinapayagan ang mga customer nito na gumamit ng ilegal na droga.

Sa ilalim ng polisiya, ang city government ay may karapatang tanggalan ng business permit ang mga establisimiyento na lalabag dito.

Mayroong programa ang local government upang tulungang ma-rehabilitate ang mga drug users at sagipin sila mula sa masamang bisyo. Ang Taguig Anti-Drug Abuse Council ay mayroong two-month program upang ma-reintegrate ang mga nasagip sa komunidad bilang matino at responsableng kababayan. ###

Post a Comment

0 Comments