Header Ads Widget

Depensa ni Velasco pinuri ng solon (Red-tagging inupakan)

LUBOS ang pasasalamat ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro kay House Speaker Lord Allan Velasco sa ginawang pagtatanggol at pagbibigay proteksiyon sa Makabayan Bloc laban sa akusasyon ni Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade na ang mga progressive lawmakers ay ‘miyembro’ ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sa panayam kay Castro ng isang lokal  na himpilan ng radyo inamin niya na hindi nila inasahan ang pagtatanggol ng House Leadership laban sa red tagging sa kanila.

Ani Castro, ngayon lang siya nakarinig ng House Speaker na ipinagtanggol ang Makabayan Bloc.

“Lubos namin pinasasalamatan si Speaker Velasco. ‘Yung ginagawa niyang pagtatanggol sa kanyang kasamahan lalo na siya ay Speaker, ngayon lang ako nakarinig ng Speaker na ganito,” pahayag ni Castro.

Una nang sinabi ni Parlade, tagapagsalita rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflct (NTF-ELCAC), ang Makabayan Bloc members at maging si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ay under surveillance dahil sa pagiging ‘card bearing’ members ng CPP, ang impormasyon umanong ito laban sa progressive solons ay hindi galing sa military kundi mismong sa mga dating CPP members na nagbalik-loob sa gobyerno.

Ang Makabayan Bloc ay kilalang kiritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na noong 2016 sa kanyang talumpati sa 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboaga del Sur ay unang sinabi ni Pangulong Duterte na ilang partylist sa Kamara ay may kaugnayan sa CPP at nagpopondo sa armed wing nito na New People’s Army (NPA).

Sa ipinalabas na statement ni Velasco, sinabi niyang apektado siya sa ginagawang red-tagging ni Parlade sa House members.

“As Speaker of the House, I am duty bound to protect them from potential harm due to these careless accusations,” pahayag ni Velasco kasunod ng paalala kay Parlade na maging maingat sa kanyang pananalita laban sa House members.

“We may not not agree with them on certain issues but be mindful that these lawmakers are duly elected representatives of the people, and implicating them on issues that have yet to be substantiated Is uncalled for,” dagdag ni Velasco.

Sinabi ni Castro, mali ang ginagawa ng Duterte security forces na lahat na lang ng nagsasalita sa isyu na ipinaglalaban ng makakaliwang grupo at tumututol sa mga polisiyang ginagawa ng Duterte administration ay binabansagang ‘teroristang’ grupo at kaanib nito.

Gayonman, dahil sa pagtatangol sa kanila ni Speaker Velasco ay naramdaman nilang protektado sila.

“Kahit paano we feel protected and assured kami sa pahayag ni Speaker, pero siyempre ingat pa rin kami sa aming kaligtasan at kailangan aware na kami sa aming security,” pagtatapos ni Castro.

Post a Comment

0 Comments